BUHAT SA SIMULA NG SANGKATAUHAN, may nananatiling isang pangkat na patuloy na inaabuso at sinasamantala, sila na ang pagdurusa ay nakatanim sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Kung ang mga hayop ay malayang nakapagsasalita, lulunurin ng koro ng kanilang mga hiyaw ang anupamang tinig sa mundo. Lahat tayo ay hayop. Lahat tayo ay nabubuhay, humihingang mga nilalang na nakikibahagi sa iisang Daigdig. Lahat tayo ay nakadarama ng sakit at nagdurusa sa tuwing nasasaktan o pinagkakaitan ng buhay, ng pamilya, ng kalayaan. Lahat tayo ay may karapatang makaranas ng kabutihan, pagkahabag at dignidad. Tayo ay naniniwala sa kaugnayan ng lahat ng mga nilalang, at sa posibilidad na magkakasamang mabuhay nang payapa dito sa ating Daigdig.

ISINASAALANG-ALANG na ang lahat ng nabubuhay na nilalang sa Daigdig ay iisa ang pinagmulan, at alinsunod sa magkakatulad na panuntunan ng ebolusyon;

ISINASAALANG-ALANG na ang lahat ng nabubuhay na nilalang sa Daigdig ay naninirahan sa iisang lupain, karagatan at himpapawid, at samakatuwid ay pinagbabahaginan ang mga yaman nito upang makapamuhay sa loob ng isang sistemang ekolohikal;

ISINASAALANG-ALANG na ang lahat ng nabubuhay na nilalang ay nagtataglay ng magkakatulad na pangangailangan: upang mabuhay, upang makahanap ng kaligayahan at kaluguran at makaiwas sa hirap, upang makaginhawa, upang magparami, lumikha ng pamilya at iba pang mga kaayusang panlipunan;

ISINASAALANG-ALANG na ang lahat ng nabubuhay na nilalang, na batid ng sangkatauhan, ay may kamalayan, at samakatuwid ay nakadarama ng sakit, kasiyahan, sensasyon, damdamin at emosyon;

ISINASAALANG-ALANG na ang sangkatauhan ay isa lamang sa milyun-milyong uri ng hayop na kumakatawan sa maliit na bilang kung ihahambing sa bilyun-bilyong mga hayop na naninirahan sa mundong ito;

INIHAHAYAG NATIN NGAYON NA:

  1. Pinanghahawakan natin ang katiyakan ng mga katotohanang ito, na ang lahat ng mga nilalang ay nilikhang magkakatumbas, at may karapatan sa Buhay, Kalayaan at pagtugis sa sariling Kaligayahan.
  2. Samakatuwid, ang lahat ng mga hayop ay may pantay na karapatan sa pag-iral, tulad ng anumang nabubuhay na nilalang.
  3. Ang lahat ng mga hayop ay may karapatan na maging malaya, ang mabuhay nang naaayon sa sariling kalooban, alinsunod sa layon ng kalikasan.
  4. Ang lahat ng mga hayop ay may karapatang kumain, matulog, makaranas ng ginhawa sa katawan at isip, makakilos, maging malusog, ligtas, at matamo ang lahat ng kanilang likas na pangangailangan. Sa gayon, ang lahat ng mga hayop ay nararapat lamang lumaya sa gutom, uhaw, at malnutrisyon; paghihirap at kapagalan; pagkakakulong, paghamak at pagmamalupit; sakit, pinsala at karamdaman; takot at pagkabalisa; at maging malayang ihayag ang kanilang likas na pag-uugali.
  5. Ang lahat ng mga hayop ay may karapatang magparami, mabuhay kapiling ang kanilang mga supling, pamilya, tribo o komunidad, at mapanatili ang likas na buhay panlipunan. Mayroon silang karapatang manirahan sa kanilang likas na kapaligiran, lumago sa isang ritmong likas sa kanilang uri, at mapanatili ang pamumuhay na tumutugma sa likas na kahabaan ng kanilang buhay.
  6. Ang mga hayop ay hindi pag-aari o kasangkapan ng mga tao, at hindi sa kanila upang gamitin sa pansariling kapakinabangan o kabuhayan. Samakatuwid, nararapat silang maging malaya mula sa pang-aalipin, pagsasamantala, pang-aapi, pambibiktima, kalupitan, pang-aabuso, at anumang pagwawalang-bahala sa kanilang kaligtasan, malayang kalooban at dignidad. Hindi sila nararapat patayin para sa pagkain, patayin para sa kanilang mga balat, pag-eksperimentuhan, patayin para sa mga layuning relihiyoso, gawing kasangkapan sa sapilitang paggawa, abusuhin at patayin para sa isport at libangan, pagkakitaan, tugisin, pagmalupitan o patayin upang tugunan ang pangangailangan ng tao sa aliw, kaluguran o anupaman.
  7. Gagawin ng tao ang lahat sa abot ng kaniyang makakaya upang mapangalagaan ang lahat ng mga hayop. Ang anumang hayop na umaasa sa isang tao, ay may karapatan sa wastong pamumuhay at pangangalaga, at hindi dapat pabayaan, abandunahin, o patayin.
  8. Ang mga hayop na namayapa ay dapat tratuhin nang may paggalang at dignidad, tulad din ng mga tao.
  9. Tinatawagan natin ng proteksyon ang mga karapatang ito. Nararapat silang kilalanin at ipagtanggol ng batas, tulad din ng mga karapatang pantao. Ang anumang gawain na nagkokompromiso sa kapakanan o kaligtasan ng isang hayop, o nagsasapanganib, tumutuligsa, o naghihigpit sa isang hayop ng mga karapatan na nakasaad sa itaas, ay nararapat ituring na isang krimen na may kaukulang parusa.

   BILANG KATUNAYAN NITO, ang Deklarasyong ito ay nilagdaan ngayong araw ng Linggo, ika-5 ng    Hunyo 2011, Ang Kauna-unahang Pambansang Araw ng mga Karapatang Panghayop, sa Lungsod ng New    York, Estados Unidos.

(Filipino translation made and edited by Andrew Salut)

Leave a comment